Sa wakas ay natapos ko na ang aking sinimulan.
Apat na taon na rin ang nakalipas mula nang matanggap ko ang balitang nakapasa ako sa Unibersidad ng Pilipinas para sa kursong BS Nursing. Noong una ay halos hindi ako makapaniwala dahil alam ko kung gaano kataas ang quota sa kolehiyong iyon at wala pa man din akong masyadong tiwala sa kakayanan ko. Hindi ko inakalang sa libo-libong naghangad makapasok sa kolehiyong iyon ay isa ako sa 75 na pinalad na makapasok. Siyempre, napakasaya ko noon. Wala akong ideya kung ano ang pinasok ko.
Unang Taon
Sabik na sabik akong pumasok noon. Siyempre, sino ba naman ang hindi? Bagong buhay, bagong simula, 'yan ang nasa isip ko noon. Dahil sa masaklap na karanasan ko noong ikaapat na taon ng hayskul, ninais kong magsimula muli upang patunayan ang sarili ko. Naging maayos naman ang aking unang taon. Nagkaroon ako ng mga bagong kaibigan. Marami akong mga bagong natutunan. At hindi ko inakalang kakayanin ko palang mag-top sa isang major math exam. Noong hayskul kasi, isa lamang ako sa mga pangkaraniwang mag-aaral pagdating sa sipnayan o matematika. Dito ko rin nakamit ang kauna-unahan kong uno. Sa matuwid, oo, masipag pa ako noon. Sana, ipinagpatuloy ko ito.
Ikalawang Taon
Masaya pa rin naman ako lalo na't umabot ako sa pangalawang taon. Pero habang nagtagal ay nakaharap ko na ang tunay na hamon na dala ng bagong buhay na pinasok ko. Ang hirap pala ng kursong ito. Akala ko dati, madali lang ito. Akala ko lang. Dito kami nagsimulangm mag-duty sa iba't ibang lugar mapa-ospital o mapa-komunidad. Dito ko unang naranasang tumawag sa nanay ko para umiyak. Dito rin niya ako inalok kung gusto ko bang lumipat na ng paaralan. Dahil na rin sa panghihinayang, hindi ako pumayag. Buti na lang.
O bakit ba ako pinahihirapan ng husto?
Ang dami-daming kumokontra sa bawat kilos ko.
Ikatlong Taon
Lalong humirap ang buhay. Ngunit sabi nga nila, "When the going gets tough, the tough gets going." Marami-rami na rin ang nawala sa aming grupo. Yung iba, umalis, yung iba, naalis. Pero ganun talaga. Hindi rin nawala sa sarili ko ang takot na baka ako na ang susunod na maalis.Walang kasing hirap ang taon na ito. Walang tulog, walang kain, hindi na bago sa akin ito noon. Nakakapanibago. Nakakapagod. May ilang beses na nawalan na rin ako ng pag-asa, pero hindi ako sumuko. Iniisip ko na lang na konti na lang, at aabot din ako sa...
Ikaapat na Taon
Kung inakala kong walang kasing hirap ang ikatlong taon, nagkamali rin ako. Ang ikaapat na taon ay naging isang malaking pagsubok para sa akin. Dito ko naranasang mawalan na talaga ng pag-asa. Naranasan kong umiyak at matakot para sa hinaharap. Ngunit ang mahalaga, dito rin ako natutong magdasal. Ika nga ni Ken, salamat sa mga guro ko at tinuruan nila akong magdasal. Totoo, natuto akong maniwala muli dahil sa mga nangyari sa akin. Hindi lamang utak ang napagod sa akin ngunit pati na rin ang aking katawan at ang aking puso at kinailangan ko ng ipaubaya sa Kanya ang aking sarili. Naging napakahirap ng taon na ito. Minsan nga, kung tatanungin ako kung kailan ako magtatapos ay hindi ko alam ang sasabihin ko dahil na rin sa hindi kasiguraduhan kung ako nga ay magtatapos sa taon na ito. Sa tuwing iisipin ko ang hinaharap ay tila may sumasakit sa aking dibdib. Hindi ito tumor o sakit sa puso. Ito ay dahil sa kaba at takot para sa mga pwede pang mangyari. Mahirap, ngunit ito na siguro ang pinakamahalagang taon sa apat na taon ko sa kolehiyo. Dito ako lubos na nagbago. Kung ano ang mga pagbabagong ito, sa akin na lamang iyon. Ang masasabi ko lamang ay nagbago ako patungo sa mabuti at ako ay lubos na nagpapasalamat sa mga karanasan na naghubog sa akin kung sino man ako ngayon.
Ngayon, nandito ako, at masasabi ko na ang mga salitang, "Sa wakas." Nalagpasan ko na ang apat na taong inakala ko ay panghabangbuhay na. Napakatagal ng pakiramdam noon ngunit ngayon kung babalikan ay parang ang bilis lang. Naaalala ko pa ang unang araw ko sa Maynila. Ngayon ay nandito ako, nakapagtapos na, at naghahanda na lamang para sa darating na board exam.
Napakarami kong pagsisisi noon ngunit ang lahat ng iyon ay nawala. Kahit ilang beses kong sinabing hindi ako nararapat sa kulay na ito. Kahit ilang beses kong ninais maging dilaw. Ngayon ay alam na alam ko na kung saan talaga ako nararapat. Maraming salamat, UP. Binuo, hinubog, at pinagbuti mo ang aking pagkatao. Laking pasasalamat ko na sa ilang milyong beses na ninais ko nang sumuko ay hindi ako nawalan ng pag-asa at mas lalo kong hinigpitan ang aking kapit.
Sa wakas ay kaya ko nang bumangon sa umaga.
Napakasarap sa pakiramdam na malaman na nalagpasan ko ang lahat ng iyon. Sa totoo lamang ay parang nananaginip pa rin ako ngayon. Ngunit hindi nagtatapos doon. Ang mga pinagdaanan ko ay hindi pa ang tunay na mundong dapat kong harapin. Sinanay pa lamang ako ng UP. Ngayon ay dapat ko nang harapin ang mga panibagong hamon sa akin ng mundo, ng tunay na mundo. Patuloy pa rin ang pagdating ng mga hamon, at patuloy pa rin ang paghubog sa aking sarili. Hindi pa ako lubos na magaling. Sa totoo nga, hindi ko nakikita ang sarili ko bilang isang magaling na mag-aaral. Pero hindi 'yan mahalaga, dahil hindi naman nagtatapos ang paglinang sa sarili sa pagtatapos sa kolehiyo. Sa bawat araw ay susubukan ko pang lalong pagbutihin ang aking sarili. Isa akong produkto ng UP at alam ko ang aking tungkulin bilang isang Iskolar ng Bayan. Maraming salamat muli, UP. Hinding hindi magbabago ang aking damdamin.
No comments:
Post a Comment